sa bawat pagsapit ng gabing lipas sa gutom ang bituka ng isang batang namulat sa kalandian ng kanyang ina, tanging ligaya lamang ang kanyang nadarama tuwing nauulanigan ang bakyang sa eskenita humahampas. isang plastik ng pansit galing kay nanay ang bubusog sa bitukang nilasap ang hangin na kanyang natatanaw sa wala. masarap.
maaga pa sa pagtilaok ng manok, gising na ang bata. magsisimula na sa kanyang ekspidisyon sa kalsada. ibat ibang bulong na kay lakas lakas ang maririnig at pinaguusapan ang bata tuwing lalapit ito sa mga tao. hindi kailangan ng bata ang inyong awa. sa katauhan ni pepe, di mo masasabing may puwang sa kanyang isipin upang hindi makita ang kasamaan sa paligid at tanging kamusmusan lamang ang kanyang alam. marahil bata nga sya ngunit ang pagkainosenteng akala nyo kay pepe ay isang kabalintunaan. si pepe ay maraming alam. ang kalsada marahil ay mayaman sa eksenang tanging si pepe lamang ay may saksi.
tila walang araw o gabi sa isang umiibig. tulad ng isang inang nagmamahal sa anak. pati gabi ay ginagawang araw. makuha lamang ang dulo ng pansit na sa anak ay kanyang panalubong.
ang kabutihan ni pepe ay wala sa taning ng panahon. ang pagsalubong sa ina tuwing darating ito ay hindi para punan ang kanyang gutom ngunit ang kanyang uhaw. uhaw na tanging pagmamahal ng ina ang didilig. hindi ang isang plastik ng pansit dala ng nanay pagkagaling sa bar kundi ang makita ang ngiting tanging labi ng ina ang bibigkas. ang pagsalubong ni pepe ay upang makita ang ina at para magmahal.